Sen. Dela rosa, magdodoble-kayod para umangat sa survey; imbestigasyon sa war on drugs, nakaapekto sa kanyang ratings

Magdodoble-kayod si Senator Ronald “Bato” dela Rosa para sa pag-asang iangat ang sarili sa mga survey sa pagkasenador sa 2025 midterm elections.

Ito’y matapos na malagay sa pang-12 hanggang pang-14 na ranking o pwesto si Dela Rosa sa pinakahuling SWS survey na isinagawa noong December 12 hanggang 18, 2024.

Hindi naman nababahala si Dela Rosa sa resulta ngayon ng mga survey dahil malayo pa naman ang campaign period at may tiyansa pa aniya siyang maiangat ang kanyang posisyon sa survey.


Wala rin aniyang problema sa ranking niya ngayon dahil magdodoble kayod na lamang siya para umangat pa.

Aminado si Dela Rosa na posibleng nakaapekto sa kanyang ranking sa survey ang tungkol sa imbestigasyon ng Kamara sa “War on Drugs”.

Ipinauubaya naman ng mambabatas sa publiko ang kanyang kapalaran sa darating na halalan at muling nanindigan na hindi magbabago ang kanyang naging posisyon sa paglaban sa iligal na droga.

Facebook Comments