Pinag-aaralan ng Senado na padaluhin ang International Criminal Court (ICC) sa pagdinig ukol sa resolusyon na naglalayong ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa imbestigasyon o prosekusyon ng ICC sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Ang resolusyon ay kaugnay sa inihain nina Senators Robin Padilla at Christopher “Bong” Go na Senate Resolution 488 kung saan inaatasan ang Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Tolentino na nagpapahayag ng pagtatanggol kay Pangulong Duterte mula sa ICC.
Target ni Tolentino na paimbitahan sa pagdinig si ICC prosecutor Karim Khan na siyang pursigido na maimbestigahan ang kampanya kontra iligal na droga.
Plano ng senador na hingan ng paliwanag si Khan kung bakit nakukulangan sila sa paliwanag ng Office of the Solicitor General para suspindihin ang imbestigasyon ng ICC sa drug war.
Sinabi pa ni Tolentino na maaari siyang magpatawag ng pagdinig kahit na naka-recess ang Kongreso.