Sen. Hontiveros, ibinahagi ang mga tawag at mensahe ng pangingikil at pagbabanta sa buhay ng pamilya Mabasa

Ibinahagi ni Senator Risa Hontiveros sa media ang recording ng tawag at screen shots ng mga mensahe ng pangingikil at pagbabanta na natatanggap ngayon ng pamilya Mabasa matapos ang pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Sa pagbisita ni Hontiveros sa pamilya Mabasa noong October 24 sa kanilang tahanan ay inihayag sa kanya ng pamilya ang detalye ng paulit-ulit na pananakot at pangingikil kapalit ng impormasyon ng isang ‘anonymous caller’.

Ayon sa senadora, October 22 at 24 natanggap ng pamilya ang mga pagbabanta sa tawag, texts at maging messages sa social media.


Sa power point presentation ay ipinakita ng senadora ang mensahe sa kapatid ni Percy na si Roy Mabasa kung saan isang hindi nagpakilala na mula umano sa Bilibid ang nanghihingi ng isang milyong piso kapalit ng nga impormasyon at ebidensya na magdidiin kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag at sa iba pang kasabwat sa pagpatay sa mamamahayag.

Nang makuha ang impormasyon at i-block ni Roy ang hindi nagpakilalang indibidwal ay sunod namang nakatanggap ng tawag mula rin sa anonymous caller ang isa pang anak ni Percy kung saan pati ito ay kinikikilan kapalit ng impormasyon at maging ang isa pang anak na si Mark ay pinagbabantaan rin ang buhay.

Sinabi pa ni Hontiveros na ibibigay nila ang lahat ng mga impormasyon sa mga awtoridad kasabay ng apela rin ng senadora sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na i-trace ang source at location ng nasabing mga texts at tawag sa pamilya Mabasa.

Naniniwala si Hontiveros na ang mga detalyeng ito ang makapagbibigay ng linaw sa murder case kay Percy Lapid.

Facebook Comments