Tuesday, March 10, 2026

Sen. Marcoleta, hindi dapat maging talangka sa UN Security Council bid ng Pilipinas—Malacañang

Sinopla ng Malacañang si Senador Rodante Marcoleta matapos nitong kuwestyunin kung bakit kailangang itulak ng Pilipinas ang kandidatura para sa non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC).

Sa ambush interview sa New York, sinabi Palace Press Officer Claire Castro na nakalulungkot na may ilang Pilipino na sa halip na suportahan ang kakayahan ng bansa ay mas pinipiling kuwestyunin at maliitin ang kapasidad nito sa pandaigdigang entablado.

Mahalaga aniya ang puwesto sa UNSC dahil nagbibigay ito sa Pilipinas ng pagkakataong makibahagi sa paghubog ng mga desisyon at agenda na may kinalaman sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Magkakaroon din ng boses ang Pilipinas sa mahahalagang usapin sa mundo at makakapagbigay ng mga suhestiyon sa mga hakbang ng United Nations.

Giit pa ni Castro, hindi lamang interes ng Pilipinas ang nakataya kundi pati ang kapakanan ng rehiyon, habang nakatutulong din ito upang mapataas ang kredibilidad ng bansa at maipakita ang papel nito sa pagsusulong ng kapayapaan sa international community.

Facebook Comments