Kuntento na rin si Senator Risa Hontiveros sa pagsang-ayon ng Senado na ilipat ang mayorya ng confidential fund ng Department of Education (DepEd) sa Healthy Learning Institutions Program ng ahensya.
Ayon kay Hontiveros, bagama’t hindi buong nailagak ang confidential funds sa mga mahahalagang programa para sa basic education, ikinalugod naman niya na nadagdagan ang pondo para sa school health programs na alinsunod sa mandato ng Universal Health Care Act.
Sa P120 million na pondong nailipat sa programa, magagawa ng DepEd na maisama ang holistic measures sa pagsusulong ng immunization, mental health at reproductive health education na angkop sa edad at development ng isang kabataan.
Nagpasalamat naman si Hontiveros kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara at sa mga kasamahang senador sa maluwag na pagtanggap sa kanyang isinulong na realignment sa confidential fund ng DepEd.
Sa ilalim ng 2023 budget, mayroon pang P30 million na confidential fund ang Kagawaran ng Edukasyon.