Sunday, February 8, 2026

Sen. Rodante Marcoleta, hinamon ng isang PCG official na bumisita sa Kalayaan Island Group

Inimbitahan ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) si Senador Rodante Marcoleta na bumisita sa Kalayaan Island Group.

Sa gitna ito ng isyu at pagbatikos sa senador dahil sa pahayag nitong isuko na lamang umano ang naturang mga isla dahil hindi naman aniya ito bahagi ng ating Exclusive Economic Zone.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea, naniniwala siya na isang makabayan na public servant si Marcoleta na kayang tumindig para sa ating karapatan sa pinag-aagawang teritoryo.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Tarriela na sumama si Marcoleta sa isang Maritime Domain Awareness Flight sa Kalayaan sa hinaharap.

Wala rin naman aniyang dapat ipag-alala ang mambabatas, at handa raw si Tarriela na ayusin mismo kung kailan ito gaganapin at sasamahan pa siya sa operasyon.

Iginiit pa ng opisyal na tiyak na matutuwa ang mga residente ng Pag-asa sakaling bumisita sa kanila si Marcoleta.

Una nang binatikos ang senador dahil sa naging pahayag, ngunit nilinaw nito na hindi niya sinabing dapat ibigay na lamang ang Kalayaan Island Group.

Nasa 400 ang residente ng Kalayaan, na isang munisipalidad na sakop ng Palawan.

Facebook Comments