Iniimbestigahan ngayon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang panibagong modus ng ‘human-trafficking’ ng mga Pilipino sa Phnom Penh, Cambodia.
Humarap sa pagsisiyasat ng komite na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros si alyas Ron kung saan inilahad nito sa mga senador kung papaano siya napadpad sa nasabing bansa para mang-scam gamit ang crypto currency.
Ang biktimang si alyas Ron ay humarap sa panel na nakasuot ng puting hood jacket at nakatakip ang mukha.
Sa salaysay ni alyas Ron, nag-apply siya bilang chat support sa isang call center sa Cambodia pero nang dumating na sa nasabing bansa ay scammer pala ang kanyang magiging trabaho kung saan gamit ang dating app ay doon sila hahanap ng mabibiktima para mahikayat na makapag-invest sa crypto currency.
Ibinahagi ng biktima na pinagamit sila ng pekeng impormasyon sa ipinasang dokumento kung saan sa halip na ilagay ay ‘call center agent’ ay ipinalagay sa kanyang dokumento na ‘interior designer’ ang kanyang trabaho para raw mabilis na makalabas ng bansa.
Dagdag pa ni Ron na bukod sa pang-i-scam ay pinagawa rin sa kanya ang pagpo-post ng wanted ads na nag-aalok ng trabaho sa Cambodia para makapambiktima ng mga kapwa Pilipino.
Kinumpirma rin ng biktima sa mga senador na may isang immigration officer ang kasabwat sa lahat ng modus na ito at ayaw pangalanan sa kanila dahil confidential.
Nababahala si Hontiveros na isang umuusbong na ‘humanitarian crisis’ ang talamak na pambibiktima sa mga Pilipino na bukod sa ginagawang scammer ay nakakaranas din ng pagmamalupit sa sinasabing Chinese syndicate na nasa likod ng human-trafficking.
Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nagsagawa rin ang komite ng imbestigasyon sa parehong modus ng human-trafficking ng mga Pinoy sa Myanmar.