Nagbigay ng mensahe ang mga senador sa ating mga kababayan ngayong ipinagdiriwang natin ang Pasko.
Sa mensahe ni Senate President Juan Miguel Zubiri, hinimok nito ang publiko na sama-samang ipagpasalamat ang mga biyaya na natanggap ngayong taon at ipagdiwang ang mga nakamit na tagumpay.
Ibinida ni Zubiri na maraming nagawa ang Senado bunsod na rin ng kanilang pagkakaisa at tiniyak sa taumbayan ang patuloy na pagtutulungan upang mas maraming magawa para sa bansa.
Dalangin naman ni Senator Nancy Binay na patuloy na bigyan ng Maykapal ang lahat ng mga Pilipino ng pusong puno ng pagpapasalamat sa kabila ng simpleng selebrasyon at kakapusan sa materyal na bagay.
Hiling din ng senadora na maging inspirasyon sa ating mga kapwa ang pagpapanatili ng buhay na diwa ng pagmamahalan at pagbibigayan ngayong kapaskuhan.
Samantala, pagpapahalaga naman sa kalusugan, malasakit, at pagkakaisa ang hatid na mensahe ni Senator Christopher ‘Bong’ Go.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang bawat isa ay bahagi ng isang malaking pamilyang Pilipino at sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa ay malalampasan ng lahat ang anumang hamon sa buhay.