Pumalag na rin ang Senado sa ipinatupad ng China na apat na buwang unilateral fishing ban sa South China Sea kung saan kabilang ang ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Epektibo ngayong Mayo ang pagbabawal ng China sa pangingisda na sumasakop sa mga lugar ng South China Sea.
Sa panayam ng RMN Manila, iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na bagama’t suportado niya ang pagpalag ng bansa sa unilateral fishing ban ay mahalaga pa rin aniya na magkaroon ng makabuluhang dayalogo at usapan para maiwasan ang digmaan sa pagitan ng China at Pilipinas.
“Nasa Saligang Batas pa rin natin na tinatakwil ng Pilipinas ang giyera bilang instrumento ng foreign policy at dapat ubusin natin ang lahat ng pwersa at effort para resolbahin ito sa mapayapang paraan at dayalogo lang naman ang pwedeng makagawa nito at hindi paulit-ulit lamang na protesta na wala namang pag-uusap na ginagawa sa likod ng protestang ito.”
Habang sang-ayon din dito si Senator Risa Hontiveros dahil malinaw aniya na paglabag ito sa international law partikular na sa United Nations Convention on the Law of Sea (UNCLOS).
Giit pa ng senadora, huwag ng hayaan ng China na mapilitan ang Pilipinas na kasuhan sila sa korte.
“Walang isang bansa kahit na China na pwedeng sumakop sa buong South China Sea at magpatupad sa bahagi natin ng South China Sea na ang West Philippine Sea na atin yan, hindi sila pwedeng magpatawa ng unilateral fishing ban at labagin ang karapatan makapangisda ng ating mga mangingisda.”