Nagpahayag ng suporta si Senator Sherwin Gatchalian sa isinusulong na ₱150 million confidential fund ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Education, makatwiran ang hinihinging confidential funds ng DepEd dahil talagang mayroong problema sa krimen sa mga paaralan at mga komunidad.
Sa budget hearing ng DepEd para sa taong 2023, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na nahaharap ngayon sa mga hamon ng krimen ang mga eskwelahan tulad ng iligal na droga, physical at sexual abuse, scams at recruitment ng mga rebelde at terorista.
Gagamitin ang confidential funds para sa surveillance activities at para suportahan ang peace and order at national security ng bansa.
Tiniyak naman ni Gatchalian na bagamat unang pagkakataon na magkaroon ng confidential funds ang DepEd mula 2012, hindi naman aniya ito palulusutin sa mga pagbusisi lalo’t may mga safeguard na nakalagay rito.
Dagdag pa ni Gatchalian, sa halagang P150 million ay kailangang unawain na may 60,000 na mga paaralan sa buong bansa, 23 million na mga estudyante at 90% dito ay nasa pamamahala ng DepEd.