Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na may pondo ang gobyerno sa taong ito para sa mga mahihirap na pasyenteng nagpapagamot ng sakit na cancer.
Kasunod na rin ito ng pagkabahala ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon ay daragsa sa pagamutan ang mga cancer patient lalo na’t marami sa mga ito ang na-delay ang treatment at lumala pa ang lagay dahil hindi basta makapunta sa ospital noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Angara, bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak niyang may sapat na budget sa ilalim ng 2023 national budget para mapondohan ang mga programa at proyekto para sa mga cancer patient na hindi kayang tustusan ang mahal na gamutan.
Para sa 2023, halos P1.1 billion ang inilaang budget para sa cancer prevention, detection, treatment at care.
Nakalagay sa special provision ng 2023 General Appropriations Act na ang nasabing pondo ay ekslusibong gagamitin lamang sa procurement at delivery ng pangangalaga at mga gamot kung saan sakop na ang walong uri ng “treatable cancer.”
Mayroon pang idinagdag na probisyon si Angara sa pambansang pondo kung saan sa alokasyon na P500 million ay dito kukunin ang gastos para sa cancer prevention, detection, treatment at iba pang care-related components tulad ng diagnostics at laboratories na kinakailangan ng mga pasyente.
Inaprubahan din ang P6 billion na Cancer Center salig na rin sa Republic Act 11215 (National Integrated Cancer Control Program) na layong mas maraming cancer patients ang magamot, makapagsagawa ng mga pagaaral para sa cancer prevention gayundin ng pagsasanay ng mga medical professionals, health officers at social workers.