
Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian na mapanagot sa ilalim ng Anti-Hazing Act of 2018 (RA 11053) ang mga sangkot sa panibagong kaso ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite.
Nababahala ang mambabatas sa nangyari dahil patuloy na umiiral ang hazing sa isang institusyong dapat huhubog sa mga alagad ng batas.
Giit ni Gatchalian, kung magmumula sa naturang institusyon ang paglabag sa batas, paano ipagkakatiwala ng mga kababayan ang kanilang kaligtasan at kaayusan.
Nasampahan na ng mga kasong kriminal ang tatlong kadeteng sangkot at isusunod na ang pagsasampa ng mga kasong administratibo laban sa kanila.
Nangyari ang diumano’y pagpahid ng pinaghalong muriatic acid at drain cleaner sa 20 plebo o mga bagong pasok na kadete noong nakalipas na Biyernes Santo, kung saan lapnos at sugatan ang ilang bahagi ng katawan ng mga biktima.










