SENIOR CITIZEN PATAY, MENOR DE EDAD SUGATAN SA PAMAMARIL SA BALAOAN, LA UNION; SUSPEK PATAY RIN MATAPOS BARILIN ANG SARILI

Patay ang isang babaeng senior citizen habang sugatan ang isang menor de edad matapos pagbabarilin sa kanilang bahay sa Balaoan, La Union pasado alas nuebe kagabi, Disyembre 3, 2025.

Batay sa initial na imbestigasyon, kinaumagahan bago ang insidente ay humihiram umano ng pera ang suspek sa biktima na kanyang tiyahin, ngunit hindi ito pinagbigyan.

Pagsapit ng gabi, muling nagtungo ang suspek sa bahay ng mga biktima na noo’y nakaupo sa balkonahe.

Kinompronta nito ang menor de edad at nagbitiw ng pahayag bago biglaang nagpaputok ng baril, na nagresulta sa pagkasugat ng 14-anyos at pagkamatay ng 62-anyos na babae.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sa likurang bahagi ng bahay at kalaunan binaril rin ang sarili.

Agad na dinala ng mga rumespondeng tauhan ang mga biktima at ang suspek sa Balaoan District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ang suspek at ang matandang biktima.

Inilipat naman sa isang pagamutan sa San Fernando City ang 14-anyos para sa karagdagang gamutan.

Narekober ng pulisya ang ginamit na 9mm na baril malapit sa katawan ng suspek.
Isinagawa rin ang pagproseso ng crime scene, paghingi ng SOCO assistance, at pag-review ng CCTV sa paligid ng lugar para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Facebook Comments