Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na panibagong shipment ng mga spare parts ng tren ang dumating na sa depot ng Metro Rail Transit (MRT) sa Quezon City para magamit sa overhauling at bilang reserbang mga piyesa ng mga bagon ng MRT-3.
Ito ang inanunsyo ng MRT Management bilang bahagi ng nagpapatuloy na malawakan at komprehensibong rehabilitasyon ng train system sa pamamagitan ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ng Japan, ang bagong service provider ng MRT-3.
Kabilang sa mga dumating ang consumable component ng tren na regular na pinapalitan, tulad ng mga diode at iba pang mechanical spare parts tulad ng railway wheel, relay, door light at iba pa.
Matatandaan na nito lamang unang linggo ng Oktubre nang ianunsyo ng DOTr na umakyat na sa 28 ang mga Light Rail Vehicles o LRVs na tumatakbo sa linya ng MRT-3 mula sa mahigit na sampu lamang noong 2015.
Bukod sa umabot na ngayon bilis na 60kph ang takbo ng mga tren ng MRT-3 na malayo sa dating 30-40 Kph lamang ay nawala na rin ang halos araw-araw na aberya na nararanasan ng MRT noong nakalipas na administrasyon.