Pinagpapaliwanag ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang mga operator at manager ng sampung bus at public utility vehicle terminals sa Pangasinan at La Union matapos makitaan ng iba’t ibang paglabag sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
Sa kabuuan, apat na terminal sa Alaminos City, apat sa Dagupan City, at dalawa sa San Fernando City, La Union ang pinadalhan ng show cause order.
Ayon sa LTFRB, inilabas ang show cause order matapos ang isinagawang surprise inspection ng kanilang Regional Office 1 sa pangunguna ni Director Cristal Sibayan, alinsunod na rin sa direktiba ng pamahalaan na tiyakin ang maayos na biyahe ng mga commuter.
Kabilang sa mga karaniwang paglabag ang kawalan ng bubong na panangga sa init at ulan, hindi maayos o walang comfort room, kakulangan ng CCTV at security personnel, at kawalan ng pasilidad para sa senior citizens at persons with disabilities.
Napansin din ang kakulangan ng safety measures upang maprotektahan ang mga pasahero mula sa mga papasok at palabas na sasakyan sa loob ng terminal.
Inatasan ang mga operator na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat ipasara ang kanilang mga terminal, habang nakatakda rin ang pagdinig kaugnay ng mga paglabag.
Samantala, mahigit 120 bus at PUV operators na sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang napadalhan na ng show cause orders at notices of violation sa patuloy na inspeksyon ng LTFRB. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










