Hindi totoong wala nang pag-asa ang Pilipinas dahil kitang-kitang ito sa dalang plataporma ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Ito ang mensahe ng health advocate at senatorial aspirant na si Dra. Minguita Padilla sa mga botanteng Pilipino, lalo na sa kabataan na naghahanap ng pagbabago, ngayong papalapit na ang araw na muling maghahalal ang bayan ng mga opisyal sa pamahalaan.
“Marami hong youth votes for me and mga healthcare workers also. So, I think they’re the ones who are reaching out e because they want to see a future. So, you cannot tell me that ‘ay, wala corrupt ang mga Pilipino.’ Hindi nila matatanggap ‘yon,” pahayag ni Dra. Padilla sa ‘Kapihan ng Samahang Plaridel’ nitong Lunes (Abril 11).
Ayon sa batikang doktor sa mata, ang mga panawagan para sa pagbabago ang nagiging lakas nila ni Lacson na matagal na niyang nakasama sa paglaban sa katiwalian sa sektor ng pampublikong kalusugan sa Pilipinas.
“I know Senator Lacson, because we have been fighting corruption in healthcare. We have been for good governance and pareho kaming crusaders. So, ako, I am not ready to say we’re hopelessly corrupt. Because I think, basically, if we have a leader na talagang who will show an example na ‘ako muna,’ ‘di ba? I lead by example, susunod po ‘yung iba,” sabi ni Dra. Padilla.
Umaasa si Dra. Padilla na sa mga susunod pang mga araw, bago sumapit ang araw ng eleksyon ay makikita ng mas maraming Pilipino ang mga katangian ni Lacson na isang mahusay na lider at tapat sa kanyang tungkulin bilang isang lingkod-bayan, at siya na ang pipiliin bilang pangulo.
Sa parehong media forum, sinabi rin ng ka-tandem ni Lacson na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto na ang team nila ni Lacson ang karapat-dapat na iboto ng mga Pilipino dahil sa kanilang mga nagawa na at alok na solusyon sa mga problema ng bansa.
“Hindi po kayo magkakamali kung susuportahan niyo po ‘yung grupo namin… We are competent in all national issues that are besetting our country now. We have the solutions. We know we can do the solutions and our experiences prove it. Our track records prove it. So, hindi po kayo mapapahiya,” ani Sotto.
Para naman kay Lacson, anuman ang maging resulta ng nalalapit na eleksyon, ngayon pa lang umano ay nakakaramdam na siya ng pagkapanalo sa laban dahil sa mga leksyon na kanyang nakuha mula sa mga pangyayari ngayong kampanya, lalo na sa pagkilatis ng mga tunay na kaibigan katulad ni Dra. Padilla.
“You know me, talagang palaban ako. Ang nakalimutan kong pag-aralan how to protect myself from friends. I’m still struggling to learn how to protect myself from my friends and tamang-tama Holy Week, start kahapon, Palm Sunday,” sabi ni Lacson.
“Sabi ko, baka siguro kailangan ng prayer for discernment para maging maganda ‘yung judgment natin ng character when we get out of this exercise, this whole exercise, mas matalas na akong kumilatis kung sino ‘yung totoong kaibigan at kung sino ‘yung fake,” dagdag niya.