Tiwala si Senator Sherwin Gatchalian na hindi mave-veto ni Pangulong Bongbong Marcos ang SIM Registration Bill tulad sa nangyari noon sa nakaraang Duterte administration.
Ngayon kasi ay inalis ang probisyon tungkol sa social media na siyang naging dahilan kaya na-veto ang panukala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ng senador hindi na isinama ang social media dahil mahihirapan ang pagpaparehistro kung saan ang Facebook, Twitter at iba ay nasa ibang bansa.
Umaasa si Gatchalian na sa lalong madaling panahon ay maipatupad na ang batas at nang sa gayon ay maging bahagi na lang ng nakaraan ang paglaganap ng spam, identity theft at phishing messages.
Dagdag pa ni Gatchalian, nakita na kung paano ginagamit ang SIM card para lokohin ang mga kababayan dahil madali ang magsagawa ng online transactions at magpalit ng SIM cards nang hindi nakikilala.
Kumpyansa ang senador na sa loob ng dalawa o tatlong linggo simula ngayon ay magiging ganap ng batas ang SIM Registration Bill na kapwa niratipikahan na ng Senado at Kamara.