Maayos ang pagsisimula ng unang araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ito ang obserbasyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar base sa kaniyang ginawang mga pag-iikot.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Gen. Eleazar na maayos ang trapiko sa mga border controlled points at maging sa intercity boundaries kung saan may mga nakatalagang checkpoint.
Ayon pa kay Eleazar, magkakaroon sila ng assessment bago matapos ang araw para makita ang inputs dito ng mga ground commander, mga mamamayan at ng media sa layuning mapagbuti pa ang kanilang ginagawa para sa araw-araw na checkpoint operations.
Sa ngayon, sinabi ni Eleazar na wala pa naman siyang natatanggap na report na may nahuling nameke ng mga dokumento para sa pagtatangkang makalagpas ng checkpoint
Pinagbigyan din muna ang ibang non-APOR drivers na walang maipakitang certificate of employment ng kanilang inihahatid na Authorized Persons Outside Residence (APOR) worker.
Pero sa mga susunod na araw ay hindi na talaga palulusutin ang mga walang maipakitang pruweba ng kanilang pagiging APOR.