SINGIL SA KURYENTE NG DECORP, POSIBLENG TUMAAS BUNSOD NG TENSYON SA GITNANG SILANGAN

Posibleng maramdaman sa mga susunod na linggo ang pagtaas ng singil sa kuryente sa ilang bahagi ng Pangasinan dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan na nagpapataas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ito ang kinumpirma ng Dagupan Electric Corporation o DECORP, kung saan sinabi ni Randy Castillan, Chief Operating Officer ng korporasyon, na maaaring maapektuhan ang presyo ng kuryente dahil sa pagtaas ng gastos sa power generation at pag-angkat ng coal mula sa ibang bansa, lalo na ngayong papalapit ang panahon ng tag-init kung kailan tumataas ang demand sa kuryente.

Ayon pa kay Castillan, magpapatupad din ang DECORP ng ilang energy-saving measures upang makatulong sa pagtitipid sa operasyon at mabawasan ang posibleng epekto sa mga konsyumer.

Ang DECORP ang nagsisilbing electricity provider sa Dagupan City at mga karatig-bayan tulad ng Calasiao, San Jacinto, San Fabian, at Manaoag.

Sa kabila nito, tiniyak ng pamunuan ng DECORP na patuloy nilang babantayan ang supply ng kuryente at sisikaping mapanatili ang maayos na serbisyo sa kanilang mga nasasakupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments