*Cauayan City, Isabela*- Nakiisa ang SM City Cauayan sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na inorganisa ng Office of the Civil Defense Region 2 upang hikayatin ang publiko sa kahandaan sakaling may maranasang paglindol partikular sa mga pribadong establisyimento ngayong araw.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), PNP- Cauayan, City Disaster Risk Reduction and Management Office at Barangay District 2 sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ronald Villa, Operation Section Chief ng OCD-R02, maganda aniya ang naging partisipasyon ng ilang mga empleyado ng nasabing mall at kita sa mga ito ang kahandaan sakaling may mangyaring sakuna.
Nagpaalala naman si Ginoong Villa na sakaling may paglindol ay gawin lang ang ‘Duck.Cover.Hold’ at kapag natapos ang pagyanig tsaka lumabas sa isang open area na walang maaaring bumagsak.
Sa naging panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Kristal Gayle Agbulig, Public Relations Manager ng SM City Cauayan, may kabuuang 422 ang nakiisa sa nasabing earthquake drill bilang paghahanda sakaling makaranas ng paglindol.
Ayon pa kay Ms. Agbulig, taun-taon rin silang nakikiisa sa Nationwide Fire Drill bilang bahagi naman ng paghahanda sakaling may sunog.
Patuloy naman ang paghikayat ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at OCD-R2 sa publiko na huwag balewalain ang mga sakunang maaaring mangyari bagkus ito’y paghandaan.