Sorpresang inspeksyon, iniutos ni PNP Chief Debold Sinas upang matiyak na nasusunod ang health protocols sa mga police station

Pinatitiyak ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Debold Sinas na nasusunod ng mga pulis ang minimum health and safety protocol sa kanilang mga area of responsibility.

Kasunod nito, inatasan ng Administrative Support to COVID-19 Operation Task Force (ASCOTF) ang lahat ng Police Commander at Unit Head na magsagawa ng surprise inspection sa lahat ng istasyon ng pulisya.

Sinabi ni ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar na lubhang nakababahala na ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay kaya’t dapat matiyak na ligtas ang mga ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.


Mula noong Marso 15, hindi na bumaba sa 100 ang bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay kung saan, sumampa na sa libo ang bilang ng aktibong kaso.

Sa kasalukuyan, mahigpit ang ginagawang contact tracing ng PNP sa kanilang mga tauhan na nagkaroon ng close contact upang maihiwalay ang mga tinatawag na high-risk sa mga low-risk close contact ng mga nagpopositibo sa virus.

Batay sa pinakahuling datos, ang Metro Manila pa rin ang nangunguna sa mga Regional Offices ng PNP na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 na mahigit isang linggo na ang nakalilipas.

Facebook Comments