
Kinwestyon ni Senate President Tito Sotto III ang mga abogadong naghain sa kanya ng petisyon sa Korte Suprema.
Kaugnay ito sa mga naging pahayag ni Sotto laban sa Korte Suprema matapos na ideklarang unconstitutional ang impeachment complaint na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, hihintayin muna niya ang kopya ng petisyon mula sa Korte Suprema bago niya sagutin ang tungkol dito.
Tinanong ni Sotto ang mga naghain ng petisyon na paano naman ang ibang mga personalidad na sumasang-ayon sa kanyang mga ipinunto na factual errors sa desisyon ng korte suprema at ang posibilidad na nagkaroon ng judicial legislation dahil mistulang binago ng SC ang nasasaad sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga kinatigan ang kanyang naging mga puna sa desisyon ng SC sina retired SC Justice Adolfo Azcuna, San Beda University Graduate School of Law Dean Fr. Ranhilio Aquino, UP College of Law Associate Dean Paolo Yamese, Atty. Wilfredo Garrido, Law Dean Mel Sta Maria, Manolo Quezon III at iba pa na pareho rin niya ng mga napuna,
Kahapon ay naghain ng petition for indirect contempt sa Supreme Court laban kay Sotto sina Atty. Manuelito Luna, Atty. Ferdinand Topacio, at Atty. Harold Respicio dahil lumalampas na umano ang Senate President sa “legitimate commentary” na sumisira umano sa kredibilidad ng Korte Suprema sa taumbayan.










