Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino na magkaroon din ng special hospital para sa mga public school teacher at kanilang mga dependent.
Bunsod nito ay inihain ni Senator Francis Tolentino ang Senate Bill 403 kung saan ipinako-convert bilang “National Teachers Medical Center” ang nakatayo ngayong East Avenue Medical Center sa Diliman, Quezon City.
Ang nasabing ospital ay magiging pangunahin at libreng medical facility para sa hospitalization at medical care ng mga guro sa lahat ng antas sa pampublikong paaralan.
Ang lahat naman ng mga regional hospitals sa labas ng National Capital Region (NCR) ay ipinaglalaan ng special ward para sa mga guro at mga dependent na nasa lalawigan.
Maliban sa mga guro ay saklaw rin ng special hospital para sa mga pampublikong guro ang mga non-teaching personnel tulad ng guidance counselor, school supervisor, administrative support employee at medical staff.
Katwiran ni Tolentino sa panukala na dapat bigyang halaga ang mga guro dahil sila ang tagahubog ng mga kabataan, at gumaganap din sa mga mahahalagang tungkulin at kaganapan sa bansa gaya ng halalan, census at iba pang civic activities.