
Hindi maaaring ipataw o i-apply ang sub judice rule maliban na lamang kung mismong ang International Criminal Court (ICC) ang magsabi na may nangyaring paglabag.
Pahayag ito ng Palasyo sa gitna ng mga diskurso sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, kung saan lumitaw ang usapin kung may paglabag sa sub judice rule dahil sa mga pahayag ng iba’t ibang abogado, legal experts, at maging ng kampo ng dating pangulo.
Ang sub judice rule ay isang prinsipyo sa batas na nagbabawal sa mga pampublikong pahayag na maaaring makaapekto sa isang kasong nakabinbin pa sa korte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang kapangyarihan sa pagpapatupad nito ay nasa saklaw lamang ng ICC kung saan nakabinbin ang kaso.
Tanging ang ICC lamang aniya ang pwedeng magreklamo at magbigay ng kautusan na huwag pag-usapan ang nasabing kaso.









