Aprubado na sa House Ad Hoc Committee ang substitute bill para sa panukalang batas na naglalayong i-overhaul ang military and uniformed personnel (MUP) pension system sa bansa.
Ilan sa mga inamyendahan sa panukala ay ang karagdagang disability benefits sa authorized insurance system na bukod pa sa natatanggap na mga benepisyo sa kasalukuyan na hahawakan naman ng bubuuhing Trust Fund Committee.
Dagdag pa sa mga amyenda ay pagtanggal sa automatic indexation o otomatikong pagtaas ng pensyon pero pananatilihin naman ang no-contribution scheme, pagkakaroon ng pension increases base sa cost-of-living adjustment, gagawing 56 ang retirement age habang 20 years naman ang optional retirement, at mas mataas na risk insurance coverage para sa mga MUP na sugatan o namatay sa gitna nang trabaho.
Sa tantya ni Ad Hoc Committee Head at Ways and Means Chairman Joey Salceda, aabot ng P9.6 trillion ang unfunded liabilities ng pamahalaan dahil sa kasalukuyang MUP pension scheme.
Ito na aniya ang “longest-standing fiscal issue” na kinakaharap ng bansa, na nagsimula noon pang 1978.
Noong 2006 pa aniya nang unang maihain sa Kongreso ang panukalang batas na magwawasto sa problemang ito pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naipapatupad na reporma pagdating sa pensyon ng mga military at uniformed personnel.