Kinalampag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang Mababang Kapulungan na huwag ipagkibit balikat ang isyu ng suhulan sa Speakership race.
Ang hamon ay sa harap na rin ng nakatakdang pagpupulong ng PDP Laban members bukas para talakayin kung sino ang ibobotong House Speaker gayundin ang inaasahang pagpapalabas ng desisyon ng Partlylist Coalition ng kanilang susuportahang Speaker ngayong Linggo.
Ayon kay Tinio, seryosong akusasyon ang vote-buying sa Speakership race kaya dapat din na mapagusapan at alamin kung sino ang nasa likod ng sinasabing suhulan para masungkit ang pinakamataas na pwesto sa Kamara.
Mababatid na kapwa nanggaling ang isyu ng suhulan sa mga PDP Laban members na sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez kung saan ibinulgar nito na P1 Million ang ipinamumudmod sa mga kongresista habang si Pampanga Rep. Aurelio Gonzales naman ay ibinunyag na posibleng umabot pa sa P7 Million ang bilihan ng boto.
Bagamat hindi naman itinuturo, lumutang naman ang pangalan ng kandidato sa pagkaSpeaker na kabilang din sa PDP Laban na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na pinondohan at may backup na negosyanteng si Ramon Ang ng San Miguel Corporation.