Sunog sa isang Catholic School, Umabot sa 3rd Alarm; 13 Silid-Aralan, Natupok

Cauayan City, Isabela- Umakyat sa ikatlong alarma ang nangyaring sunog sa isang Catholic School na La Salette of Quezon matapos tupukin ng apoy ang labing-tatlong classrooms pasado alas-6:30 kagabi sa Quezon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SFO3 Limberto Morales Jr., Fire Marshal ng BFP Quezon, isang bata na napadaan sa paaralan ang nakakita sa nasusunog na gusali ng eskwelahan kung kaya’t mabilis itong tumakbo upang ipaalam sa isang Kagawad ng Barangay na ipinaalam naman nito sa kakilalang Guro ang insidente ng sunog.

Agad namang humingi ng tulong ang naturang Guro sa mga kasapi ng BFP Quezon kaya’t agad itong narespondehan subalit mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang gusali dahil sa may kalumaan na rin ito.

Nabatid na bahagyang nadamay ang School Canteen kasama ang apat pa na silid.

Ayon pa kay SFO3 Morales, humingi na sila ng responde sa mga kalapit na fire station gaya ng BFP Roxas, BFP Mallig, BFP Quirino, BFP Sta. Maria at BFP Delfin Albano dahil aminado silang nahirapan silang maapula ito.

Inaalam pa sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala sa paaralan matapos ang nangyaring sunog gayundin ang posibleng dahilan nito.

Naideklara namang fire out ang sunog pasado alas-9:45 ng gabi.

Facebook Comments