‘Super Coop’ para sa mga Magsasaka, Planong Itayo sa Isabela!

*Cauayan City, Isabela-* Planong magpatayo ng Super Cooperative o kooperatiba ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Provincial Capitol upang maibsan ang hinaing ng mga marginalized farmers o maliliit na magsasaka dahil umano sa epekto ng rice tariffication law.

Sa inisyatibo nina Isabela Gov. Rodito Albano III, Vice Gov. Faustino Dy III at dating Congresswoman Anna Cristina Go ay magsasagawa ng konsultasyon ang pamahalaang panlalawigan sa bawat bayan upang maiparating ang nasabing plano.

Prayoridad na maging miyembro ng nasabing itatayong kooperatiba ay mga marginalized farmers na nagsasaka lamang ng isang ektarya pababa.


Ayon kay Board Member Adrian Philip Baysac, Agricultural Representative ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, upang maging miyembro sa itatayong super coop ay makipag-ugnayan lamang sa bawat municipal/city agriculture office.

Sinabi pa ni BM Baysac, plano ni Gov. Albano na magbibigay ng tig-isang trak bawat barangay para gamitin sa panghakot ng maaning palay ng mga marginalized farmers para diretso na sa kanilang timbangan ng itatayong kooperatiba.

Maglalaan ng inisyal na pondo ng kalahating milyong piso (P500,000.00) ang pamahalaan panlalawigan ng Isabela para pambili lamang sa maaning palay ng mga marginalized farmers.

Kaugnay nito, hindi rin pabor si BM Baysac sa rice tariffication law dahil pabigat umano ito sa mga magsasaka na siyang nararamdaman na dahilan sa pagbaba ng presyo ng palay ngayon at mataas na presyo ng bigas.

Facebook Comments