
Pinawi ni Senator Sherwin Gatchalian ang pangamba ng publiko na maubusan ng suplay ng langis at pagkain sa bansa dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.
Napansin ng senador na maraming mga motorista ang nagpakarga ng petroleum products sa pangambang tumaas pa lalo ang fuel prices at maubusan ng suplay.
Giit ni Gatchalian, walang problema sa suplay ng pagkain, krudo at basic commodities kaya hindi dapat nagpa-panic buying ang publiko.
Sinabi ni Gatchalian na hanggang nitong nakaraang Biyernes ay may sapat na suplay ng langis ang bansa na tatagal ng 51 araw.
Sa tingin ng senador, ang panic buying na nangyayari ngayon sa mga tao ay hindi dahil sa mauubusan ng suplay kundi para makabili pa ng mas murang items.
Gayunman, aminado ang mambabatas na tiyak na tatamaan ng epekto ng pagtaas ng fuel prices ang logistics tulad ng paghahatid ng pagkain mula sa probinsya papuntang syudad at inflation o mabilis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.










