Umabot sa kabuuang ₱6,446,653.41 ang naipamahaging insurance claims sa mga magsasaka mula sa mga bayan ng Burgos, Infanta, at Dasol sa isinagawang payout activity sa Tourism Activity Center.
Pinangunahan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Region 1 ang pamamahagi ng kabuuang 653 tseke, katuwang ang Office of the Municipal Agriculturist (OMAG) staff, at ang lokal na pamahalaan.
Sa nasabing bilang, 334 tseke na nagkakahalaga ng ₱3,550,449.47 ang napunta sa Infanta, habang 240 tseke naman na may halagang ₱2,021,679.94 ang naibigay sa Dasol.
Samantala, 79 tseke na umabot sa ₱874,524.00 ang ipinamahagi sa Burgos.
Ang bilang na 653 ay tumutukoy sa dami ng tseke at hindi sa bilang ng mga indibidwal na benepisyaryo, dahil may ilang magsasaka ang nakatanggap ng dalawa hanggang tatlong tseke bunsod ng iba’t ibang pinsalang kanilang naranasan.
Saklaw ng mga insurance claims ang mga pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyong Nardo, Uwan, at Emong, gayundin ang epekto ng peste at sakit sa mga pananim.
Kabilang sa mga natulungan ang mga magsasaka sa sektor ng palay, high value crops, livestock, at fisheries.
Kasama rin sa benepisyong ipinagkaloob ang tulong para sa pamilya ng mga insured farmer na pumanaw, bilang bahagi ng komprehensibong programa ng PCIC upang masuportahan ang kapakanan ng mga magsasaka. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










