Supplemental budget para mapunan ang kulang na pondo sa 4Ps, sinuportahan ng isang pang leader ng Kamara

Buo ang suporta ni House Assistant Majority Leader and Ako Bicol Party-list Representative Raul Angelo “Jil” Bongalon sa isinusulong ni Deputy Speaker and Quezon Representative David “Jay-jay” Suarez na pagpasa ng supplemental budget para mapunan ang ₱9-billion na kulang sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Una ng sinabi ni Representative Suarez na supplemental budget ang maaring solusyon sa umano’y tinapyas na 13-bilyong piso ni Senator Imee Marcos sa 4Ps fund kaya nasa 4 milyong mahihirap na Pilipino na benepisaryo ng programa ang hindi na nakakatanggap ng ayuda.

Sang-ayon din si Bongalon na ang 4Ps ay isang batas na dapat maipatupad kaya hindi ito maaaring tanggalan o bawasan ng pondo.


Ang hakbang nina Suarez at Bongalon ay makaraang ihayag ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts at Committee on Social Services na inilipat umano ni Sen. Marcos ang ₱13 billion na pondo ng 4Ps noong 2023 sa ibang programa tulad ng CALAHISIDS, AICS, at quick response to calamities.

Giit ni Bonggalon, hindi dapat kunin ang nakalaan para sa mga maralitang Pilipino dahil tiyak na maaapektuhan ang pag-aaral ng kanilang mga anak at wala silang magpagkukunan ng panggastos para sa araw-araw nilang pangangailangan.

Facebook Comments