Magkahalong kaba at excitement ang naramdaman ng mga creative costume designers ng Limgas na Pangasinan 2026 habang sila’y nasa biyahe patungong Maynila upang simulan ang isang natatanging hamon na tinawag na Project Masanting: The First Pangasinan Designers’ Camp.
Bagama’t wala silang ideya kung ano ang eksaktong tema ng kanilang gagawing costume, layunin ng proyektong ito na masubok ang kanilang kakayahan, diskarte, at pagiging malikhain sa larangan ng pagdidisenyo.
Lingid sa kanilang kaalaman, sa loob mismo ng bus ibinigay ang opisyal na tema ng kanilang disenyo. Habang nasa biyahe, ito ang kanilang pagkakataon upang makapag-isip at makapagplano ng kanilang konsepto sa gabay at suporta ng Limgas na Pangasinan Committee.
Matapos ang kanilang pamimili ng mga materyales sa Divisoria at Quiapo ay agad namang babalik ang mga designer sa kanilang sewing stations sa kapitolyo sa Lingayen upang simulan ang paggawa ng mga kasuotang itatanghal sa entablado ng Limgas na Pangasinan 2026.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo at pagtatakda ng limitadong budget, nagkakaroon ng pantay na oportunidad ang bawat designer na maipakita ang kanilang talento. Maiibsan din ang gastos ng kandidata at ng kanilang bayan.
Isa itong hakbang upang gawing higit pa sa isang pageant ang Limgas na Pangasinan kondi isang plataporma upang suportahan at itaas ang antas ng lokal na creative industry ng Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










