TAAS PRESYO | Air fare, tataas na rin

Manila, Philippines – Dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan magtataas na rin ang air fare o pamasahe sa eroplano ngayong buwan.

Bahagi umano ito ng resulta ng pagpapahintulot ng Civil Aviation Board o CAB sa mga airline company na magpataw ng fuel surcharge.

Sabi ni Transportation Undersecretary for Aviation Manuel Antonio Tamayo, matagal nang pinag-aralan ang epekto ng pagpapahintulot ng pagpapatupad ng fuel surcharge.


Sa publikasyon ng approval ng CAB itinakda ang matrix na siyang susundan ng mga airline company sa paniningil ng surcharge.

Nakadepende aniya ito sa layo at presyo ng aviation fuel.

Nabatid na sa domestic flights, puwedeng tumaas ng P34 hanggang P800 ang dagdag na pasahe depende sa layo ng biyahe.

Sa international flights naman, maaaring tumaas ang pasahe ng P163 hanggang P8,000.

Kapag long haul o malayong paglalakbay naman tulad ng pagpunta sa Estados Unidos o United Kingdom puwedeng tumaas ang pasahe ng hanggang P10,000.

Sabi ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla, noong 2014 ay inalis ang fuel surcharge noong 67 dollars per barrel lamang ang presyo ng petrolyo.

Pero ngayon kasi aniya ay nasa 90 dollars per barrel na ang halaga ng aviation fuel.

Puwede naman aniyang tanggalin ulit ang fuel surcharge kapag bumaba na sa 70 dollars per barrel ang aviation fuel.

Facebook Comments