Kalibo, Aklan— Isinauli ng isang tricycle driver ang isang itim na back pack na naglalaman ng P120,000 matapos maiwan ng kanyang pasahero kaninang umaga sa bayan ng Kalibo. Ayon sa tapat na tricycle driver na si Mr. Robert Rutao 50-anyos ng Brgy. Dumaguit, New Washington, Aklan na nadiskubre nito ang itim na bag na naiwan sa kanyang tricycle matapos bumili ng pyesa sa Roxas Ave. Ext. Kalibo dakong alas 10:45 kaninang umaga. Aniya na tinanong pa niya ang ilang indibidwal sa lugar kung sino ang nag iwan ng naturang bag sa harapang bahagi ng tricycle ngunit walang nag angkin dahilan para dalhin niya ito sa Kalibo police station. Pagdating sa himpilan ng pulisya ay binuksan nila ito at tumambad ang dalawang bundle ng pera. Agad na nahanap ang may dala ng bag na isang 33-anyos na lalaking minabuting hindi na isinapubliko ang kanyang pangalan. Ayon sa may ari ng bag na nagpahatid ito sa Brgy. Linabuan Sur kung saan nalimutan nito ang kanyang bag na naglalaman ng P120,000 na cash. Pagmamay-ari umano ang naturang halaga ng kanyang pinagtatrabahuhan. Dagdag naman ng driver na hindi na niya binuksan ang bag dahil hindi naman siya interesado at sa takot na baka kung ano ang laman nito o maaaring pwede siyang ma set up dahilan para dalidali itong tumungo sa police station. Napag alaman na mahigit sampung taon ng tricycle driver si Mr. Rutao kung saan sa oras na may maiwang bagay sa kanyang tricycle ay nakasanayan na nitong isauli sa himpilan ng pulisya o sa mga estasyon ng radyo. Laking pasasalamat naman ng 33-anyos na lalaki dahil naibalik na kumpleto ang pera sa kanya. Sa kabilang dako, pinuri naman ng Kalibo PNP ang ginawa ng tricycle driver at mainam na tularan ng publiko ang katapatan nito.
Tapat na Tricycle Driver nag sauli ng P120,000 na naiwan sa kanyang tricycle
Facebook Comments