TATAASAN PA | Multa ng Xiamen airlines, posibleng tumaas pa

23

Manila, Philippines – Nakaamba pa na madagdagan ang sisingiling multa ng Manila International Airport Authority o MIAA sa Xiamen Airlines bunsod ng idinulot na perwisyo ng sumadsad na eroplano nito sa NAIA.

Sa ginawang imbestigasyon ng House Committee on Transportation, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na umaabot pa lamang sa P33 Million ang nakukwenta na pwedeng masingil sa Xiamen Airlines.

Pumalag naman dito si Committee on Transportation Vice Chairman Edgar Mary Sarmiento at 1CARE Partylist Representative Carlos Roman Uybarreta dahil masyadong maliit ang halagang ito kumpara sa halos isang trilyong piso na ikinalugi ng bansa dahil sa sumadsad na eroplano.

Hindi anila sapat ang P33 Million na multa sa lawak ng perwisyo na ginawa ng Xiamen Airlines sa bansa.

Sa kabilang banda, nakahanda naman si Monreal na taasan ang halaga ng multa sa Xiamen kung mabibigyan sila ng otorisasyon na ipataw dito ang iba pang bahagi ng economic loss.

Inirekomenda na rin ni Monreal ang pag-rebisa sa Air Passenger Bill of Rights upang mas mabigyan ng proteksyon ang mga pasahero lalo na sa kahalintulad na insidente sa Xiamen Airlines.

Facebook Comments