Alam niyo ba na ang karakter na si Juan de la Cruz ay hindi likha ng isang Filipino? Ang “Juan de la Cruz” ay pangalang-sagisag na karaniwang ginagamit para sa mamamayang Filipino gaya ng ang “Uncle Sam” ay sumasagisag sa isang Amerikano.
Ginagamit din itong katumbas ng “John Doe” patungkol sa isang bangkay na lalaki na hindi kilala.
Ang karakter na ito ay likhang-isip ng Scottish-born journalist na si Robert McCulloch Dick (1873-1961). Una niya itong nabanggit nang siya ay isang reporter na nagsusulat sa The Manila Times noong 1905, matapos madiskubre na ang pinakakaraniwang pangalang natatala sa mga police blotters at court dockets sa Manila at sa mga kalapit nitong lungsod ay “Juan.”
Inangkupan naman niya ito ng apelyidong “de la Cruz” dahil sa nakita niyang pagiging relihiyoso ng mga Filipino.
Noong August 26, 1908, unang nakita ang caricature ni “Juan de la Cruz” sa pahina Philippine Free Press na nabili ni McCulloch Dick mula kay W. A. Kincaid. Ang caricaiture, na unang iginuhit ni Jorge Pineda, ay larawan ng isang lalaking nakasuot ng salakot, camisa de chino at nakapaa.
Sa makabagong panahon, napalitan ng Barong Tagalog ang kaniyang suot at nagkaroon ng tsinelas o sapatos ang kaniyang mga paa.