Tatlong railway projects ng ‘Build! Build! Build!’ program, hindi makausad dahil sa hindi pa nakukuhang pondo – DOTr

Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na hindi makausad ang ilang railway projects sa ilalim ng ‘Build! Build! Build!’ program dahil nakatakda pa lamang itong pondohan.

Sinabi ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez na ilan sa mga proyektong wala pang pondo ay ang Calamba to Bicol project, Clark to Subic at ang Mindanao Railway.

Mababatid na ginawad ang kontrata ng PNR Bicol Package 1 na nagkakahalaga ng 142 billion pesos sa China Railway Group Ltd., China Railway No.3 Engineering Group Co. Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd.


Habang nakadepende rin sa Tsina ang 51 billion pesos na Clark to Subic railway project at 83 billion pesos na Tagum-Davao-Digos railway project.

Nauna nang sumulat si dating Finance Secretary Carlos Dominguez III sa Chinese government noong Pebrero upang magfollow-up sa loan application ng mga naturang proyekto ngunit ikinonsidera na nila itong withdrawn matapos walang matanggap na tugon mula rito.

Sa kabilang banda, inutusan sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang buhayin muli ang naturang loan application at makipagnegosasyon muli sa Tsina.

Facebook Comments