Arestado ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang tatlong hacker na nasa likod ng pag-hack sa Commission on Election (COMELEC).
Ang mga arestado ay kabilang sa grupong XSOX na umaangking na-hack nila ang system ng Smartmatic at ipinagmamalaking kaya nilang impluwensyahan ang magiging resulta ng eleksyon.
Kinilala ni CICC Executive Director Cesar Mancao ang mga suspek na sina Joel Adajar Ilagan alias Borger, Adrian de Jesus Martinez alias Admin X at Jeffrey Cruz Limpiado alias Brake/Vanguard at Universe.
Ayon kay Mancao, nahuli ang mga suspek sa entrapment operation noong April 23, 2022 sa Imus, Cavite at Sta. Rosa Laguna.
Nasa ₱60-M ang hinihingi ng grupo kapalit ng kanilang gagawing serbisyo, pero ₱10-M ang boodle money na ginamit ng mga awtoridad.
Konektado umano ang grupo sa pinaghahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Ricardo Argana na dating empleyado ng Smartmatic.
Mayroon na umanong inalok na mga pulitiko ang grupo sa pangakong kaya nilang i-hack ang Smartmatic para manalo sila sa susunod na eleksyon.
Kabilang sa mga kaso ng mga suspek ay paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 partikular ang system interference, illegal access at pagtatangkang gumawa ng cybercrime.