Team leader ng NPA sa Western Mindanao, sumuko sa militar sa Zamboanga City

9738

Kusang loob na sumuko sa tropa ng Joint Task Force Zamboanga Peninsula and Lanao Provinces (JTF ZAMPELAN) ang team leader ng Guerilla Front Sendong, Western Mindanao Regional Party Committee ng New People’s Army (NPA) kamakalawa.

Kinilala itong si Mary Grace Tumapad Buhawi, alyas “Saysay/ Princess” at Maika, 25-anyos, residente ng Purok 2, Barangay San Lorenzo Ruiz, Sinacaban, Misamis Occidental.


Ayon kay WestMinCom Commander Lieutenant General Corleto Vinluan Jr., partikular na sumuko sa tropa ng 10th Infantry Batallion ng Philippine Army ang team leader.

Batay sa salaysay, nang sumukong si Buhawi sa military, sinabi nitong dahil sa hirap na sitwasyon sa patuloy na combat operations ng militar laban sa kanilang grupo ay napagtanto niyang kailangan niya nang sumuko sa tropa ng gobyerno.

Sa salaysay pa nito sa mga sundalo, sinabing nagugutuman na sila sa palipat-lipat nilang lugar dahil nauubusan sila ng supply ng pagkain.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang interogasyon kay Buhawi para matukoy ang kinaroonan at mga posibleng pinagtataguan ng kanyang mga kasamahan.




Facebook Comments