*Cauayan City, Isabela- *Magkakaroon na ng Thermal Oxidizer Plant ang Lungsod ng Cauayan kung saan gagamitin ang mga basura upang mag-supply ng kuryente sa ilang bahagi dito sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Sangguniang Panlungsod Arco Meris, ang Chairman ng Committee on Environmental Protection and Ecology na nasa animnapung porsiyento na ang ipinapatayong Thermal Oxidizer Plant sa brgy. San Pablo bilang proyekto ng Pamahalaang Panlungsod.
Ayon kay Councilor Meris, layunin ng proyektong ito na makatulong sa mga Cauayenos at mabawasan ang lumalalang problema sa basura ng nasabing Lungsod.
Iginiit rin ni Councilor Meris na hindi umano makakasira sa kapaligiran lalo na sa ozone layer ang kanilang ipinapatayong planta at maaari na rin umano itong magamit nitong buwan ng Agosto.
Samantala, kabilang rin sa programa ng Pamahalaang Panlungsod ang sachet to hallowblocks katuwang ang Nestle Philippines, JCI at LGU Cauayan na tutulong rin upang mabawasan ang mga basura sa lansangan sa pamamagitan ng mga sachet ng shampoo at iba pang plastic sachet na ihahalo sa gagawing hallowblocks.