Malabo pa sa ngayon ang tigil pasada para sa ilang bus cooperatives sa Dagupan City sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa kasagsagan ng sigalot sa Middle East.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, titigil lamang umano sila sa pamamasada kung tuluyang mawalan ng krudo o diesel dahil kailangan pa nilang maghanap buhay, meron man o walang kita.
Anila, dumoble ang nagagastos nila sa krudo simula noong biglang tumaas ang presyo nito.
Mula sa tinatayang P1,000 ay umaabot na sa P2,000 hanggang P3,000 ang inilalaan sa gas kada araw ng mga bus na bumibiyahe mula Dagupan City hanggang Tarlac.
Kaugnay nito, pinag-aaralan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang rekomendasyon nito sa pansamantalang pagtataas ng taripa sa mga public utility vehicle (PUV).
Ayon sa tanggapan, may mga transport groups na ang nagsabing nagbabawas na ng biyahe ang ilang provincial bus companies, bagay na maaaring makaapekto sa mga pasahero, lalo na kung magpapatuloy ang pagtaas ng gastusin ng mga kooperatiba.
Sa kabila nito, wala pang pagbabago sa presyo ng pamasahe sa mga bus terminals sa Dagupan City sa kasalukuyan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







