Trade-in scheme, maaring alternatibo sa jeepney phase out

Iminungkahi ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda na pag-aralan ng gobyerno ang trade-in scheme.

Sabi ni Salceda, maari itong alternatibo sa plano na i-phase out ang mga tradisyunal na pampasaherong jeep sa ilalim ng Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program.

Ayon kay Salceda, sa trade-in scheme ay maaring bilhin na lamang ng gobyerno ang mga lumang jeepney sa halagang P100,000 hanggang P150,000 nang walang kondisyon.


Inihalimbawa ni Salceda ang Car Allowance Rebate System na bahagi ng global financial crisis recovery program ng Amerika kung saan binabayaran para i-retire ang lumang sasakyan sa halip na bumili ng bago.

Bukod dito ay inirekomenda rin ni Salceda na ipabalikat sa mga kooperatiba at lokal na pamahalaan ang pag-utang para sa modernisasyon ng pampasaherong jeep.

Diin ni Salceda, mas mainam itong paraan sa halip na hayaang magdusa sa pangungutang ang mga tsuper at operators para mapalitan ng bago ang mga ipinapasada nilang jeep.

Facebook Comments