
Rerepasuhin ng National Police Commission o NAPOLCOM ang “traffic procedures” ng pulisya para sa kinakailangang reporma.
Kasunod ito ng insidente sa LRT-1 FPJ station kung saan isang driver ang isinailalim sa kustodiya ng pulisya at muntikan nang makasuhan dahil sa hindi sinasadyang pagbangga sa isang lalaking estudyante.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, panahon nang marepaso ang police traffic procedures upang maiwasan ang tinawag niyang “absurd” na resulta.
Aniya, papaanong magkakaroon ng “reckless imprudence resulting to homicide” sa panig ng motorista kung ang katotohan ay may isang tao na nahulog.
Ani Calinisin, taliwas sa prinsipyo ng hustisya ang pagkakait ng kalayaan sa isang malinaw na inosenteng tao dahil sa umano’y “standard procedure.”
Una nang inanunsyo ng Quezon City Police District o QCPD na pinalaya na ang nasangkot na driver matapos na mapatunayan na wala siyang “negligence” o kapabayaan, at nagpasya rin ang ama ng biktima na huwag nang magsampa ng reklamo.










