Cauayan City, Isabela- Kasabay ng huling araw ng pagsasailalim sa GeneraL Community Quarantine (GCQ) Bubble ng Lalawigan ng Isabela ay pansamantala munang hindi tatanggapin ang face-to-face na transaksyon sa Cauayan City hall ngayong Lunes, Abril 5, 2021.
Ipinapabatid ng Cauayan City COVID-19 Task Force sa lahat ng mga Cauayeño na simula ngayong araw ng Lunes ay gagawin na sa online ang lahat ng mga transaksyon sa City hall dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga tinatamaan ng sakit na COVID-19.
Kung mayroon man katanungan o sumbong ay maaring kumonekta sa mga numerong 09171295922 (Globe), 09997275090 (Smart) at 09236765094 (Sun).
Maaari din ipaabot ang mga tanong sa kanilang Facebook Page na Cauayan City Local Government.
Ayon pa sa COVID-19 council, ang online transaction ay magtutuloy-tuloy hanggat hindi pa bumababa ang kaso ng COVID sa Lungsod at kung hindi pa maituturing na ligtas ang paglabas ng mga tao.
Samantala, tuloy pa rin ang selebrasyon ng Gawagaway-yan festival sa Lungsod na isasagawa sa pamamagitan ng virtual na pamamaraan na kung saan ay nasa 26 na mga kandidata ang magtatagisan.
Gaganapin ang preliminary competition sa darating na ika-8 ngayong Abril habang sa Abril 12, 2021 naman ang Coronation night.