Transport groups, dudulog sa korte para ipatigil ang operasyon ng LTMS

Nakatakdang maghain ng petisyon sa korte ang ilang organized transport organizations para hilingin ang pagpapatigil ng operasyon ng Land Transportation Management System (LTMS).

Ang LTMS ay ang online portal ng Land Transportation Office (LTO), kung saan nagdudulot anila ito ng pahirap sa mga tsuper na nag-re-renew ng driver’s license at sa pagpaparehistro ng sasakyan.

Ayon kay Ariel Lim, Pangulo at National Convener ng National Public Transport Coalition (NPTC), napipilitan ang mga tsuper at operators na magbayad ng karagdagang ₱100 hanggang ₱200 sa mga tauhan ng LTO o sa “fixers” para magawan sila ng account na gagamitin nila sa online registration.


Aniya, marami kasing mga tsuper ang hindi naman marunong gumamit ng computer at hindi marunong mag-register online lalo na ang may mga edad na.

Bunga nito, sinabi ni Lim na nagdudulot ito ng korupsyon at nagiging mabagal ang proseso ng kanilang aplikasyon.

Idinagdag ni Lim na sa ilalim ng LTMS, ang private at public vehicles ay makakapagrehistro lamang kapag naipasa nila ang roadworthiness test mula sa private motor vehicle inspection center (PMVIC), na aniyay nagresulta sa pag-phase out sa PETC or private emission testing centers.

Bukod dito, ang LTMS aniya ay hindi rin public service at sa halip ito ay negosyo para sa LTO dahil kailangan nilang idaan ang bayad sa PayMaya at ito may charge na ₱75.

Facebook Comments