TRASLACION 2018 | 48-hour gun ban sa Metro Manila, epektibo na ngayong araw

Manila, Philippines – Magpapatupad ng apatnapu’t walong oras na gun ban sa buong Metro Manila bilang bahagi ng seguridad ng pista ng Itim na Nazareno sa Enero a-nueve.

Ayon kay Manila Police Distirct Director Chief Supt. Joel Coronel, epektibo ang gun ban hatinggabi ng Enero a-otso hanggang sa ika-hatinggabi ng Enero a-diyes.

Habang tatagal naman aniya ng tatlumpu’t anim na oras ang Liquor Ban o pagbabawal ng pagbebenta ng alak sa Lungsod ng Maynila.


Pero paglilinaw ni Coronel, ipapatupad lang ang Liquor Ban sa paligid ng ruta ng prusisyon o sa loob ng dalawangdaan at limangpung metrong radius ng procession route.

Maliban dito, sinabi ni Coronel na magpapatupad rin ng signal jamming sa loob ng isang daang radius ng andas ng Poong Nazareno.

Facebook Comments