Cauayan City, Isabela- Patuloy na nadaragdagan ang mga naitatalang tinamaan ng COVID-19 sa Tuguegarao City, Cagayan sa kabila ng pinalawig na Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang Pebrero 3,2021.
Sa pinakahuling datos ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU), 49 ang naidagdag sa kaso kahapon kung saan 45 sa bilang ay residente ng lungsod.
Sa kasalukuyan, 448 ang aktibong kaso ng virus sa Cagayan habang 331 dito ay mula sa Tuguegarao City o 74% ay mula sa lungsod, kung saan159 dito ay naka-home quarantine.
Nakategorya pa rin sa Community Transmission ang lungsod na labis na ikinakabahala ang paglaki ng kaso sa siyudad.
Paliwanag ngayon ni Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer, delikado ang Community Transmission dahil patunay lamang ito na posibleng mas dumami pa ang magpositibo sa virus.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Gov. Manuel Mamba ang mahigpit na travel restrictions sa mga magtutungo ng Tuguegarao.
Pawang mga essential workers lamang ang dapat payagang makapasok sa siyudad at mahigpit na ipatutupad ang mga health protocols.
Ikinababahala ng gobernador ang pagkalat ng nakamamatay na virus sa mga karatig bayan ng Tuguegarao kung saan tumataas ang kaso sa mga bayan ng Solana, Peñablanca, Iguig, Amulung at Baggao.