Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan nang naka-home quarantine ang dalawang traysikel driver na nakasalamuha ng 44 yrs old na lalaki o tinawag ng PH275 na nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) na naka-isolate ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, mahigpit na inoobserbahan ang dalawang tsuper na naghatid sa PH275 mula sa Florida Bus GD36 hanggang sa bahay nito sa Brgy Caritan Norte, Tuguegarao City at nagdala papuntang ospital.
Sinabi ni Mayor Soriano na nasa maayos na kalagayan ang dalawang traysikel drayber at walang sintomas ng COVID-19.
Inatasan aniya nito ang mga Brgy Captain upang mabantayan at mabigyan ang mga ito ng kanilang pangangailangan upang hindi lalabas ng kanilang bahay.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing sa drayber at mga pasahero ng PH275 sa pink Florida GD36 at maaari din aniyang makipag-ugnayan sa Emergency hotline ng DOH na 0917-659-6959.
Nananawagan ang punong Lungsod sa lahat na makipagtulungan upang matunton at makilala ang mga nakasabayan ng PH275.