Tricycle VS Bus, 1 Patay sa Pili, CamSur

Isang tricycle na puno ng pasahero at pinamalengke ang sumalpok sa paparating na bus. Kalat sa kalsada ang mga pinamili at mga pasahero nito. Naganap ang aksidente sa bayan ng Pili, Camarines Sur.

Ayon sa report ng PNP Pili, ganap na alas 11:20 ng umaga kamakalawa, habang nasa kahabaan ng Maharlika Hi-Way sa Barangay San Jose, Pili, ang tricycle na minamaneho ni Joseph Oribiada, 40 years old at residente ng Brgy. San Vicente, Pili, ay pilit at biglang nag-overtake sa isang kotse sa harapan nito sanhi ng pagkalihis sa sariling linya at kainin ang kabilang linya na may humaharurot namang paparating na bus. Bumangga ang unahang bahagi ng trticycle sa paparating na Tripolds bus na minamaneho naman ni Rodel Mayon na kapwa rin taga Pili ang tricycle at mistulang panindang nagkalat sa kalsada ang mga karga at sakay nitong pasahero.
Malubhang nasugatan ang mga pasahero ng tricycle na kaagad namang pinagdadala sa Bicol Medical Center. Ang mga biktimang lulan ng tricycle ay kinilalang sina 1) Arnel Clores, 47, Modern village-Brgy. San Jose, Pili, 2) Edilberto Flororita, 56, Brgy. San Jose, Pili, 3) Ma. Theresa Bustinera, 49, Modern Village, Brgy. San Jose, Pili, 4) Raquel Ordejon-Dellova, 45, San Jose, Pili, 5) Grace Dacayo-Flororita, 52, Modern Village, San Jose, Pili, at 6) Connie Dagoro, 35, San Jose, Pili, CamSur.
Isang pasahero ang napuruhan at hindi na naagapan pa ang buhay nito. Kinilala ang nasawi na si Edilberto Flororita, asawa ng isa pang biktimang pasahero na si Grace Dacayo-Flororita. Si Edilberto Flororita ay isang retired personnel ng Philippine Army. Sa edad na 56, kakaretiro pa lamang niya mula sa serbisyo.
Samantala, kapwa nasa kustodiya na ng Pili Municipal Police station ang mga sangkot na nagbanggaang mga sasakyan.
Dagdag pang pahayag ng mga may alam sa pangyayari, pinilit umanong mag-overtake ng tricycle sa sinusundan nitong kotse, at huli na nang makita na may paparating na bus. Kung gigilid siya pabalik sa tamang lugar, masusundot nito ang kotseng nasa unahan. Napihit niya ang manibela pakaliwa…at huli na ang lahat, nahagip ng bus ang unahang bahagi ng tricycle at napuruhan ang lalaking pasaherong si Flororita.
Sinampahan na rin ng kaukulang kaso – Reckless Imprudence Resulting to Homicide at Multiple Physical Injury and Damage to Property – ang driver ng tricycle na si Joseph Oribiada at may piyansang 60,000 pesos. – Kasama mo sa balita, Paul Santos, Tatak RMN!

Facebook Comments