Ikinumpara ni outgoing Senator Antonio Trillanes IV sa “budol-budol” ang pinakabagong pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging limang minuto na lamang ang biyahe sa Edsa mula Cubao hanggang sa Makati simula Disyembre ngayong taon.
Bukod dito, nabanggit din ng Pangulo na masosolusyunan na rin ang flight delays at cancellations.
“Hindi ba tayo nadala na ron sa three to six months?” ani Trillanes sa press conference sa Senado, Martes.
Matatandaang isa sa mga pangako ni Duterte mula pa nang nangampanya siya sa pagka-pangulo ay masolusyunan ang problema ng bansa sa iligal na droga sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan mula sa pagkakaupo.
“Kung budol budol, ilang beses na tayong nabudol-budol, hindi pa rin tayo natuto,” dagdag ng Senador.
Nabanggit din ni Trillanes ang alegasyon noon ni Duterte na mayroong bank account ang senador sa Singapore, na kalaunan ay ibinunyag ng pangulo na ginawa niya lang para lokohin ang Senador.
“Inamin na niya, nabisto na siya. Ano ba ‘yun wala pa tayong singilan dito. ‘Yung Presidente nagsisinungaling. Tapos ngayon papangakuan tayo ng five minutes pagtapos nung iibahin na naman ang usapan,” pagpapatuloy ni Trillanes.
“Itong si Juan dela Cruz, madadaan na naman sa kuwento. Mumurahin na naman niya ang simbahan at Diyos, distracted na naman tayo,” dagdag niya.
Tinawag ni Trillanes na “pathological liar” si Duterte na hindi mapigilan ang sarili sa pagsasabi ng kasinungalingan.
“Si Duterte is a pathological liar, hindi n’ya mapipigilan ang sarili nya, gan’un eh. Nasanay siya nung nasa Davao siya napapaikot niya mga tao ‘dun.”